Thursday, October 7, 2010

President Noynoy Aquino III speech for 1st 100 days of serving the Pilipino



President Noynoy Aquino III 
Speech for 1st 100 days of serving the Pilipino

[October 7, 2010, La Consolacion College, Manila]

Isandaang araw po ang nakalipas, nagpanata ako sa taumbayan: Hindi ko tatalikuran ang tiwalang kaloob ninyo sa akin. Ang nakalipas na isandaang araw ang magsisilbing tanda ng ating paninindigan.

Malalim at malawak po ang mga problemang minana natin. Nag-ugat ito sa isang gobyernong parang tatlong matsing na nagbingi-bingihan, nagbulag-bulagan, at gumawa ng sariling katotohanan.

Mali po ito. Ngayon, mayroon na po kayong gobyernong handang makipag-usap at magsabi ng totoo; handang makinig sa makabuluhang usapan; handang iangat ang antas ng pampublikong diskurso ukol sa mga isyung makaaapekto sa ating lahat, at maging sa mga darating na henerasyon.

Ang natamasa po natin ngayong unang isandaang araw ng ating panunungkulan: Mayroon na po kayong gobyernong hindi kayo binabalewala o inaapi.

Bumalik na po ang kumpyansa sa ating bansa. Tumatatag ang ating ekonomiya, at dahil dito, lumalago ang kaban ng ating bayan. Ang lahat ng inani at aanihin pa natin mula sa pinatibay na ekonomiya ng ating bansa, ibinabalik naman natin sa taumbayan upang tuluyan na tayong makaahon sa kahirapan. Binibigyan natin ng katuturan ang paggastos. Walang pisong dapat nasasayang.

Halimbawa po ang mga itinalagang opisyal sa mga GOCC. Naroon po dapat sila para pangalagaan ang interes ng taumbayan. Noon pong nakaupo sila doon, nilabag nila ang Memorandum Order 20, na pinirmahan noon pang Hunyo 2001. Inatupag po nila ang sariling interes na nagdulot ng pinsala sa interes ng taumbayan: nakakuha sila ng kung anu-anong mga bonus at allowance.

Ipinatutupad naman po natin ang Executive Order No. 7 na nagsuspinde sa lahat ng pribilehiyong iyon. Idiniin lamang po natin ang dapat naipapatupad na noong 2001. Sa isang kumpanya lang po tulad ng MWSS, ang napigil nating mahulog sa bulsa ng bawat opisyal ay umabot na sa dalawa’t kalahating milyong piso kada taon. Siyam po ang miyembro ng Board nila, at sa MWSS lamang po iyan. At ilan po ang mga GOCC, GFI, at mga ahensyang sakop ng EO No. 7? Isandaan, dalawampu’t dalawa (122) mga ahensya’t kumpanya.

Nariyan din po ang nangyayari sa mga kontrata tulad ng sa NAIA 3. Isipin lang po natin, tatlong administrasyon na ang dinaanan nito. Pang-apat na kami. Tumagal na po nang husto ang kasong ito, may mga pinaslang pa dahil dito. Kundi dahil sa mga tapat na nagmamahal sa bansa tulad nina Justice Florentino Feliciano at Justice Meilou Sereno, baka wala na ring pinatunguhan ang kasong ito. Sila po ang mga tunay na bida sa kaso, ngunit death threats pa po ang ibinayad sa kanila. Tila ba nagkulang sa aruga ang nakaraang gobyerno. Ngayon pong alam nilang suportado sila ng mga kapwa nilang nasa tuwid na landas, naresolba na po nila ang kontrata. Kung natalo po ang gobyerno natin rito, 990 million dollars ang nalagas sa ating mga pondo. 43.5 bilyong piso ang perang nailigtas nila at natin. Higit pa rito, mapapakinabangan na natin ang airport sa lalong madaling panahon.

Kung naaalala po ninyo, pinahinto natin itong negotiated contracts ng DPWH; pinarebid natin ito. Ginawa lang po natin kung ano ang tama, napigil na po natin ang paglustay ng 934.1 million pesos, at lumalabas na kung susunod tayo sa tamang proseso ay nasa 600 million pesos lang ang dapat gastusin sa mga proyektong ito. Nabalik po ang pera sa kaban ng bayan na kung pinahintulutan natin ang maling sistema ay natapon na naman sanang muli. Hindi lang po sa mga kalsada: sa DOTC, pinigil natin ang pagwaldas ng isang bilyong piso. Sa Department of Agriculture, 30 million at least ang natipid sa spectrometer na gusto sanang doblehin ang presyo. Lahat po iyan naibalik natin sa kaban ng bayan.

Mayroon pa po. May proyektong inaprubahan ang dating administrasyon, huhukayin daw nila ang Laguna de Bay para palalimin ito. Ang sabi raw dadami ang isda. Mas makakaiwas daw sa baha. Mas madali daw makakaikot ang mga bangka. Tatanggalin daw ang mga pollutant doon po sa Laguna de Bay. Ang tanong ko, saan ililipat ang lupa? Ang tatanggalin sa Laguna de Bay, itatambak lang din pala sa ibang bahagi ng Laguna de Bay. At magkano naman po ang uutangin ng gobyerno para rito? 18.5 billion pesos lang naman po. At pareho rin ang kuwento: Tila hindi na naman dumaan sa tamang proseso ang pag-apruba sa kontrata. Hindi natin dadaanin sa madaliang hokus-pokus ang proyektong ito. Pag-aaralan natin ito nang husto at sisiguruhing hindi masasayang ang pondong gagamitin para rito.

Napansin n’yo po ba, pati ‘yung weather forecasting gumanda? Napansin n’yo po ba na hindi na paulit-ulit ang mga mensahe ng PAGASA? Ngayon po, nakatutok na at mas malaman ang mga weather bulletin natin. Ang dating intermittent rainshowers across the country, ngayon, sasabihin na uulan sa ganitong lugar nang ganitong oras, delikadong lumabas.

Tama po na hindi pa kumpleto ang equipment natin. Pero ngayong nagsimula na po tayong magtrabaho, kakaunti na lang ang kulang na kagamitan. Maling sistema at maling palakad ang nangligaw sa pagtataya ng panahon. Ang mga update dati na dumarating kada anim na oras, kada oras na ngayon kung dumating. Marami po tayong binago sa PAGASA, at kasama na po rito ang bulok na sistema.

Nakita naman po natin ang katakut-takot na problemang minana natin, pero hindi po tayo natinag. Naisasaayos natin sa loob lamang ng isandaang araw ang hindi nagawa ng dating administrasyon sa loob ng tatlong libo, apat na raan, apatnapu’t walong (3,448) araw.

Hininto na po natin ang pagkatagal-tagal na sistema kung saan itinuloy nang itinuloy ang mga proyekto na walang sumisiyasat kung angkop ba o kung may katuwiran ba ang mga ito. Isinulong po natin ang zero-based budgeting. Ang sabi po namin, isa-isahin natin iyan. Kung hindi mo mapatunayang may saysay ka pa, tigil na ang ginugugol ng bansa sa iyo.

Ang mga Agricultural Input Subsidies na lalo lamang nagpayaman sa mayayaman na habang binalewala ang mga mahihirap; ang mga programa tulad ng Kalayaang Barangay at Kilos-Asenso na hindi naman inilatag nang malinaw kung ano ang prosesong dapat daanan, at kung saan napunta ang pera—inilipat po natin ang pondo ng mga ito tungo sa mga programang napatunayan nang nakakatulong sa taumbayan. Humigit-kumulang na labing-isang bilyong piso pa po ito na magagamit at mas mapapakinabangan natin lahat.

Sa edukasyon, kalusugan, at pag-ahon sa kahirapan po natin itinutok ang pondong natipid natin. Mula 175 billion pesos, umangat ang budget ng DepEd sa 207.3 billion pesos. Gugugulin po ito upang makabuo ng 13,147 bagong classroom, at ng sampung libong bagong teaching positions. Sa DoH, umangat mula 29.3 billion pesos ang budget papuntang 33.3 billion pesos, upang mapatatag ang National Health Insurance Program. Sa DSWD, lagpas doble na po ang budget, galing 15.4 billion pesos papuntang 34.3 billion pesos.

Ang punto po natin dito: Walang maiiwan. Hindi po tayo papayag na yayaman ang iilan habang nalulunod sa kahirapan ang karamihan.

Kaya nga po natin pinatatatag ang Conditional Cash Transfer Program. Salbabida po ito para sa mga nalulunod nating kababayan, upang makapunta na sila sa pampang ng pagkakataon at pag-unlad. Lampas doble po ang bilang ng mga pamilyang matutulungan ng Conditional Cash Transfers, mula isang milyong pamilya sa ngayon, tungo sa kabuuang 2.3 million na pamilya sa 2011.

Patuloy po ang ating tema ng pagbibigay ng lakas sa taumbayan. Dahil na rin po sa panunumbalik ng tiwala sa gobyerno, nabiyayaan ang KALAHI-CIDSS program ng dagdag na 59.1 million dollars—halos tatlong bilyong piso—mula sa World Bank. Sa programa pong ito, dadami pa ang komunidad na magkakaroon ng kuryente, kalsada, at malinis na tubig—mga proyektong ang taumbayan mismo ang nagpaplano at nagpapalakas.

Paulit-ulit po nating ididiin: trabaho ang pangunahing agenda ng ating administrasyon. At marami pong magandang balita ukol dito.

Lampas dalawang bilyong dolyar ang papasok na pera sa ating bansa mula sa mga foreign investors. Direkta po itong magbibigay ng 43,600 na trabaho sa mga Pilipino. Simula pa lamang po iyan: Kung hindi natin sila papadaanin sa butas ng karayom, makukumbinsi pa po silang magnegosyo rito, at madadagdagan pa ang mga trabahong nalikha.

At manganganak pa po ng manganganak ang mga trabahong ito. Halimbawa, sa call center, kailangang panggabi ang trabaho. Kailangang magbukas ng kapihan, ng fastfood, ng mga convenience store. Hindi bababa sa dalawandaang libong bagong trabaho ang malilikha pa—kahit hindi ka marunong mag-computer, may pagkakataon ka sa dagdag na mga trabahong ito.

Trabaho din po ang idudulot ng mga Public-Private Partnerships na patuloy nating isinusulong. Nagtayo na po tayo ng PPP Center, kung saan ang mga gustong malikahok sa pagbabago ay mapapasailalim sa tapat, malinaw, at mabilis na proseso. Mula sa pagpapahaba ng mga LRT Lines, hanggang sa pagpapatayo ng bagong paliparan na tutulong sa turismo, hanggang sa mga eskuwelahan na itatayo sa buong sambayanan, magsisimula na po ang bidding para sa mga ito sa loob ng mga susunod na buwan.

Kinikilala na ng pandaigdigang merkado ang pagtatag ng piso. All-time high po ang ating Gross International Reserves na umabot na sa 52.3 billion dollars noong ika-dalawampu ng Setyembre. Ang dati rati’y parang imposibleng maabot na Philippine Stock Exchange Index na 4,000, nalampasan natin. Kahapon lamang po, all-time high na naman ito na umabot sa 4,196.73 points. Ipinapakita nito ang kompyansa sa ating ekonomiya, sa ating mga mamamayan at sa ating pamahalaan. Kabilang na po ang ating PSE sa mga best-performing stock market sa buong Asya. At habang lumalakas ang piso at lumalago ang ekonomiya, steady lang naman po ang mga presyo ng ating mga bilihin. Handang-handa na tayo po talaga sa pag-unlad.

Lahat po ito nagawa natin dahil nakasandal ang gobyerno sa inyong tiwala. At umaapaw na rin po ang tiwalang iyan sa buong daigdig.

Dalawang ulit na pong nag-apply ang Pilipinas para sa Millenium Challenge Corporation Grant. Sa unang tatlong buwan lang po ng administrasyon natin napaaprubahan ito. Ang sa kanila lamang po, aminado silang hindi natin maiwawasto agad ang lahat ng problema, pero naniniwala silang patungo na tayo roon. Sabi nila, gusto namin kayong matulungan para maabot ang inyong mga pangarap, heto ang 430 million dollars.

Pati po ang mga international organization tulad ng OECD, tinanggal na tayo sa listahan ng mga bansang kumukupkop ng mga tax evader. Maaari na tayong makakuha ng impormasyon na makakatulong sa paghuli sa mga tax evader na isinasagawa na po ng BIR.

Dahil na rin po sa panibagong tiwalang nangingibabaw sa pamahalaan, dumadami ang mga tumutulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tip tungkol sa katiwalian. Sumasaksi sila sa maling pangyayari, para makatulong sa ating paghahabol ng demanda. Halimbawa, sa bagong-tayo na Pera ng Bayan website, isa-isa nang lumilitaw ang mga taong makatutulong sa atin upang tugisin ang mga smuggler at tax evader.

Ibinabalik ng mga hakbang na ito ang kumpiyansa ng daigdig sa Pilipinas. Nagkakaisa nang muli ang ating lipunan, at ang nananatili na lang na parang sirang-plaka na paulit-ulit ang reklamo ay ang mga gustong bumalik sa poder upang ituloy ang kanilang ligaya na nagmumula sa ating pagkaapi.

Sila na nga ang nagdulot sa atin ng mga problemang pinapasan natin ngayon, sila pa ang may ganang bumanat nang bumanat sa atin. Papansinin ba ninyo sila? Magpapalinlang ba kayo muli?

Hindi po kami nagbibiro sa pagtahak sa tuwid na landas. Kayong mga mali ang palakad at pinipinsala ang mga kababayan natin, may taning kayong lahat.

Ito pong mga problemang pinangako nating solusyonan, tatlong buwan pa lang nakikita na ninyong nabubuo ang solusyon. At ang inyong tiwala po ang pundasyon ng lahat ng ating naabot sa loob lamang nitong tatlong buwan ng panunungkulan.

Mula pa noong kampanya, ibinato na po sa atin ang lahat ng puwedeng ibato sa loob at labas na yata ng Revised Penal Code. Pati po ang buhok natin ginawang isyu. Dahil siguro binata pa tayo, hindi na tayo binigyan ng honeymoon. Gusto talaga tayong gibain ng mga taong nais mapanatili ang lumang sistema, kung saan para silang mga dambuhalang buwayang nagpapakasasa sa kaban ng bayan.

Binabatikos lang naman po tayo dahil may iilan na naghahanap ng paraan para magpatuloy ang siklo ng mali. Alam din naman po nila ang tama, hindi pa nila maatim gawin. Mayroon po talagang mga nag-aambisyon na makabalik sa poder, nag-aambisyon na panatilihin ang sistemang sila lang ang nakikinabang, mga kapit-tuko sa puwesto na nakikinabang sa lumang sistema—mga taong gusto lamang ituloy ang kanilang ligaya, habang binabalewala naman ang sakripisyo ng taumbayan.

At tayo naman po: tuloy na tuloy ang laban. Hindi po tayo titigil.

Kung mayroon po tayong pagkukulang, ito marahil ay ang hindi natin naging kaugalian na ipamalita ang mga tagumpay na ating nakamit. Mas binibigyan natin ng halaga ang paghahanap ng mga paraang makatutulong sa ating mga kababayan. Kitang-kita naman po ng taumbayan ang resulta ng ating pagtatrabaho: talagang nakagagalak ng puso itong satisfaction rating na seventy one percent. Natural po, sa inyo ang tagumpay na ito—sa bawat Pilipinong nagtitiwala at nakikilahok sa ating agenda ng pagbabago.

Ang patuloy ko pong panata: Hindi tayo titigil. Habang dumarami tayo sa tuwid na landas, dumadali naman po ang tungkulin nating itama ang mali.

Hinding-hindi po tayo titigil sa tuwid na landas. Unti-unti na pong natutupad ang ating mga pangarap.

Maraming salamat po. Magandang umaga sa lahat.

No comments:

Post a Comment

Please leave your comment here. Thank you!